Pinasusuri ni Pangulong Ferdinand “Bongbong” Marcos Jr. sa Philippine Competition Commission, Department of Agriculture at Department of Trade and Industry ang mga paraan para malabanan ang kartel ng bigas sa bansa.
Sa ganitong paraan, sinabi ng Pangulo na matutuldukan na ang pang-aabuso ng mga kartel na labis na nagpapahirap sa mga Filipino.
Utos ng Pangulo na tiyakin na patas ang kompetisyon sa mga palengke at maitaguyod ang kapakanan at proteksyon ng mga mamimili.
Inatasan din ni Pangulong Marcos ang Philippine National Police at iba pang awtoridad na tulungan ang DTI at DA sa sa agaran at epektibong pagpapatupad ng price cap sa bigas sa buong bansa.
Sa ilalim ng Section 7 ng Republic Act No. 7581 o Price Act, maaring magtakda ng hangganan ng presyo sa mga basic necessity at pangunahing produkto ang pangulo ng bansa sa bisa ng rekomendasyon ng mga implementing agency o ng price coordinating council.
Ito ay para makapagbigay ng epektibo at sapat na proteksyon sa publiko laban sa hoarding, profiteering at mga kartel.