Muling nanawagan si Senator Christopher Go sa mga kapwa mambabatas na madaliin ang panukala na magbibigay ng ibayong proteksyon sa media at entertainment workers.
Nais ni Go na magarantiyahan ang kapakanan at karapatan ng mga ito dahil sa kanilang mga sakripisyo, tulad ng pagiging frontliners sa kasagsagan ng COVID 19 pandemic.
Ginawa, aniya ang mga ito ng mga taga-media upang makapaghatid ng totoo at napapanahon na mga balita at impormasyon.
“Mga bayani sila noong pandemya, isinasakripisyo ang sariling kaligtasan para makapaghatid ng mga balita kahit may bagyo, lindol, baha at iba pang kalamidad,” ani Go.
Inihain ni Go ang Senate Bill 1183 o ang proposed Media and Entertainment Workers’ Welfare Act, na tinalakay kamakailan ng Committee on Labor and Employment na pinamumunuan ni Sen. Jinggoy Estrada.
Layon nito na magkaroon ng proteksyon, seguridad at mga insentibo ang media workers sa pamamagitan ng karagdagang health insurance package, overtime at night differential pay.