Hiningi ni Senator Nancy Binay ang paliwanag ng Department of Labor and Employment (DOLE) ukol sa pagsama sa mga 15-taong gulang sa labor force sa bansa.
Ginawa ito ni Binay sa pagdinig ng Committee on Finance sa P39.596 billion 2024 proposed budget ng kagawaran.
Partikular ng ipinalinaw ng senadora sa DOLE ang “working age population” sa bansa at ang “not in labor force category,” kung saan napabilang na ang mga 15-anyos.
Nagpahayag ng pagkabahala si Binay dahil banggit niya na ngayon ay 14-anyos na ang anak niyang kambal na lalaki.
“Why are we counting 15 years old, isn’t that considered child labor? Because my youngest sons are now 14 years old, so technically next year I can start telling them to work,” banggit ni Binay.
Sa iprinisintang impormasyon ng DOLE, may 77,440 milyong Filipino ang nagta-trabaho, kabilang ang mga 15-anyos pataas.
At sa “not in labor force category” ay 11.9 milyong estudyante, 7.3 milyon na nagta-trabaho sa bahay, limang milyong retiradong indibiduwal at ang natitira ay may mga permanenteng kapansanan.