Inanunsiyo ni Senator Ronald “Bato” dela Rosa na sa darating na Martes, Setyembre 5, isasagawa ang pagdinig ukol sa “road rage incident” na kinasasangkutan ng isang dating-pulis at isang siklista.
Ayon kay dela Rosa ang pinamumunuan niyang Committee on Public Order and Dangerous Drugs ang magsasagawa ng pagdinig.
Nabanggit din ng senador na kabilang sa kanyang ipapatawag ay si Wilfredo Gonzales, ang dating pulis na nam-“bully” sa siklista noong Agosto 8 sa bahagi ng Welcome Rotunda sa Quezon City.
Umaasa naman si Senate President Juan Miguel “Migz” Zubiri na sa gagawing pagdinig ay hindi na mauulit ang mga kahalintulad na insidente.
Inihain nina Zubiri at Sen. Pia Cayetano ang Senate Resolution 763 para makapgsagawa ng imbestigasyon ang Senado sa pangyayari.
May inihain din na kahalintulad na resolusyon si Sen. Raffy Tulfo at hiniling nito na magkaroon ng mahigpit na regulasyon at multa sa mga masasangkot sa road rage incident.
Nais ni Tulfo na bawian at hindi na bigyan ng License to Own and Possess Firearms (LTOPF) ang mga masasangkot sa kahalintulad na insidente.