Binalewala ng ilang senador ang inilabas ng China na bagong mapa ng kanilang teritoryo na umabot na sa West Philippine Sea (WPS).
Sinabi ni Sen. Francis Escudero maaring magpalabas ang China ng kahit ilang mapa dahil wala naman itong epekto sa 2016 Arbitral Ruling na pumabor sa Pilipinas.
“Any unilateral declaration by a State has no weight nor standing in international law,” ani Escudero.
Dapat din aniya na hindi na magpa-apekto ang Pilipinas sa mga pahayag ng China dahil lumalabas na sila ang nagdidikta ang palaging reaksyon na lamang ang mga Filipino.
“We should do what we think is right and in accordance with our national interest,” dagdag pa ng senador.
Ayon naman kay Senate Minority Leader Aquilino “Koko” Pimentel III, walang obligasyon ang Pilipinas na kilalanin ang bagong mapa ng China na nagpapakita ng 10-dash line.
“It is important to concentrate on our own position: on the extent of our territorial claims as well as maritime zones,” aniya.
“Nang-iinis lang yan,” ang tanging nasabi naman ni Sen. Jinggoy Estrada ukol sa inilabas na bagong mapa ng China.