Ayon sa PAGASA, ang bagyo ay tatawaging ‘Ambo’, na kauna-unahang tropical cyclone sa Pilipinas ngayong 2016.
Sinabi ni Aldczar Aurelio, weather forecaster ng PAGASA, namataan ang Bagyong Ambo sa 182 kilometers East ng Virac, Catanduanes, na may lakas ng hangin na 45 kph malapit sa gitna, at inaasahang gagalaw patungong West Northwest sa 19 kph.
Kung mapapanatili aniya ang bilis at paggalaw nito, ang Bagyong Ambo ay magla-landfall sa Aurora province bukas (araw ng Lunes), pero hihina ito bago ang mag-landfall.
Kabilang sa mga probinsya na nasa public storm warning signal number 1 ay ang Catanduanes, Camarines Norte, Camarines Sur, Northern Quezon kasama na ang Polillo Islands, Aurora at Quirino.
Inaabisuhan ang mga residente sa mga naturang lugar na asahan na ang pag-ulan at malakas na hangin.
Ngayong araw naman ng Linggo, magsisimula nang makaranas ng malakas na ulan sa bahagi ng Central Luzon, CALABARZON at Bicol Region.
Hindi naman nag-isyu ang PAGASA ng gale warning, ibig sabihin, ligtas pa rin sa mga mangingisda na pumalaot sa karagatan.