FL Liza Marcos, DOT Sec. Frasco, Zamora pinangunahan ang Araw ng Pinaglabanan sa San Juan

SAN JUAN LGU PHOTO

Nagsilbing panauhing-pandangal si First Lady Liza Araneta -Marcos sa pagdiriwang ng pamahalaang-panglungsod ng San Juan sa ika-127 Araw ng Pinaglabanan ngayon araw.

Malugod na tinanggap ni Mayor Francis Zamora at iba pang opisyal ng lungsod ang Unang Ginang, gayundin sina Tourism Sec. Christina Garcia-Frasco, PNP Chief Benjamin Acorda Jr, at National Historical Commission of the Philippines (NHCP) Chairman Dr. Emmanuel  Calairo.

Nag-alay ng mga bulaklak ang Unang Ginang, si Zamora at iba pang pangunahing bisita sa Spirit of Pinaglaban sa Pinaglabanan Shrine.

“Bagaman hindi nagwagi, ito pong himagsikan ng San Juan del Monte ang nagsilbing hudyat at inspirasyon sa iba pang malawakang pakikipaglaban ng mga Pilipino sa mga dayuhan na siyang nagbigay-daan para makamit natin ang kalayaan noong June 12, 1898. ‘Yan po ang kahalagahan ng Pinaglabanan sa lungsod ng San Juan at sa ating kasaysayan. Kaya tunay nating masasabi na walang kalayaan, kung walang Pinaglabanan,” ang mensahe ni Zamora.

Diin pa ng alkalde napakahalaga ng presensiya nina Araneta-Marcos at Garcia-Frasco sa pagdiriwang dahil mas lubos na mabibigyang pagpapahalaga ang lungsod ng San Juan sa kasaysayan ng Pilipinas.

Kasunod nito ay pinangunahan ni Zamora ang pagbibigay parangal sa mga nagsipagwagi sa Makabagong San Juan and Pinaglabanan Shrine Photo and Video Contest, na pawang tumanggap ng karagdagang P1 milyong premyo mula kina Pangulong Marcos Jr., at Unang Ginang.

Nanumpa naman si Zamora ni Calairo bilang bahagi ng Local Historical Committees Network, isang grupo ng mga organisasyon at ahensiya na kumikilos para sa pagpapayaman pa ng kasaysayan at kultura ng bansa.

Sina Araneta-Marcos at Garcia-Frasco naman ang nagbukas ng markets sa mga monumento nina Gat Andres Bonifacio, Gen. Emilio Jacinto, at Dr. Jose Rizal.

“Sa bisa ng ordinansa ng Sangguniang Panlungsod at sa pag-sang-ayon ng National Historical Commission of the Philippines, inilipat po natin ang mga monumento ng ating mga bayani dito mismo sa loob ng sagradong Pinaglabanan Shrine upang mas mabigyan sila ng pagpupugay at respeto para sa kanilang kadakilaan at kabayanihan. Dati po kasi, sila ay nasa gitna po lamang ng kalye, nauusukan, nadudumihan, hindi malapitan, hindi masilayan. Ngayon po, mas makikita na sila nang mabuti na di na tayo natatakot na masagasaan ng sasakyan,” paliwanag pa ni Zamora.

Binuksan din ang San Juan Art Exhibit at inilunsad ang San Juan City Art Trail sa City Hall.

 

Read more...