Tinuligsa ni Senate Majority Leader Joel Villanueva ang mga bagong alintuntunin ng Inter-Agency Council Against Trafficking (IACAT) para sa paglalakbay ng mga Filipino.
“Hindi naman po ata makatarungan na bigyan ng dagdag pasakit ang ating mga kababayan na gusto lamang pumunta sa ibang bansa para mamasyal. Daig pa po nito ang visa application sa dami ng mga kinakailangang dokumento,” sabi ni Villanueva.
Para tingnan ang mga hakbang ng gobyerno laban sa human trafficking, naghain si Villanueva ng Senate Resolution No. 762 para ipasiyasat sa angkop na komite ang iba’t ibang gawain ng pamahalaan para mapalakas ang kanilang anti-trafficking in persons program.
“The prevention of human trafficking is an inter-agency task that not only involves providing stringent requirements on international-bound Filipinos, but also proper awareness and education among Filipinos, and the apprehension of law enforcement agents and other government officials who facilitate or connive with wrongdoers,” dagdag pa ng senador.
Ang dapat aniya ay suriin ang mga programa para labanan ang human trafficking.
Binanggit nito na simula noong 2011 hanggang 2020 ay mga ginawa ng hakbang ang IACAT sa pagkasa ng kanilang mga mandato.
Ang pinakabagong hakbang ay nitong nakaraang Agosto 17 nang ilabas ang 2023 Revised IACAT Guidelines on Departure Formalities for International-Bound Filipino Passengers na magiging epektibo ngayong Setyembre 3.
“Hindi natin pwedeng balewalain ang hinaing ng ating mga kababayan. Ang mga programa ba ng gobyerno ay susugpo sa traffickers, o nagpapabigat sa lehitimong mga pasahero?” tanong ni Villanueva.