Inanunsiyo ng Commission on Elections (Comelec) na itinakda sa darating na Disyembre 9 ang special elections para sa magiging kapalit ni Negros Oriental Representative Arnolfo “Arnie” Teves Jr.
Magugunita na pinatalsik noong Agosto 16 sa Kamara si Teves ng mayorya sa mga kapwa niya mambabatas dahil sa patuloy na pagliban.
Naging dahilan din ng pagsipa sa kanya sa Kamara ang kanyang kahilingan ng “political asylum” sa Timor-Leste.
Patuloy na pinagsusupetsahan si Teves na may kinalaman sa pagpatay kay Gov. Roel Degamo.
Ipinagharap siya ng ilang kaso ng pagpatay, kasama na ang kay Degamo bagamat itinanggi niya na may kinalaman siya sa pangyayari.
Hindi na nagbalik ng Pilipinas si Teves simula noong Pebrero, kung kailan pinayagan siya na lumabas ng bansa para sumailalim sa “medical procedure” sa US.