Nais nina Senate President Juan Miguel Zubiri at Senator Pia Cayetano na maimbestigahan sa Senado ang panibagong “road rage incident” sa Quezon City na kinasasangkutan ng isang dating pulis.
Inihain ng dalawa ang Senate Resolution 763 para makapagsagawa ng “inquiry in aid of legislation” ang kinauukulang komite sa naging asal ni Wilfredo Gonzales sa isang siklista sa Welcome Rotunda noong nakaraang Agosto 8.
Nabanggit sa resolusyon ang pagbaba ni Gonzales ng kanyang sasakyan, pananakit at pagkasa ng kanyang baril sa naka-alitan na siklista base sa viral video sa social media.
Bukod dito, laman din ng resolusyon ang pamimilit ni Gonzales sa siklista na makipagkasundo kahit siningil pa niya ito ng P500 dahil sa pagtapik sa kanyang sasakyan.
Ayon sa dalawang senador, seryosong insidente ang nangyari dahil may kaugnayan ito sa public order and safety.