Paghaharap nina Baron Geisler at Kiko Matos sa URCC, nauwi sa unanimous draw

Baron vs Kiko
Photo from Bandera

Nagtapos sa “unanimous draw” ang paghaharap ng dalawang aktor na sina Baron Geisler at Kiko Matos sa Universal Reality Combat Championship (URCC) na ginanap sa Bonifacio Global City sa Taguig, Sabado ng gabi.

Mistulang naging main event ang sagupaan ng dalawa kahit ito ay bahagi lamang ng undercard na mas inabangan kumpara sa iba pang laban.

Sa unang round, nagpakawala ng mga suntok si Matos sa katunggali dahilan para magtamo ng sugat sa kanang mata si Baron.

Nakuha ni Kiko ang unang round matapos nitong mapabagsak si Baron.

Sa kabila nito, naging mas agresibo si Baron pagpasok ng ikalawang round kung saan natamaan niya ang sikmura ni Kiko gamit ang kanyang tuhod.

Dahil dito, umani ng malakas na sigawan mula sa fans ang pangingibabaw ni Baron sa nasabing round.

Umabot lamang ang sagupaan ng dalawang aktor sa second round matapos idineklarang unanimous draw.

Nakakuha ng parehong labing siyam na puntos sina Baron at Kiko.

Pagkatapos ng laban, agad na nagyakapan at nagkamayan ang dalawa.

Nagsimula ang bangayan nina Baron at Kiko sa isang bar sa Tomas Morato sa lungsod ng Quezon kung saan nagkasuntukan ang dalawa dahil sa hindi pagkakaintindihan.

Read more...