3 poso negro sa Bilibid hindi mass grave

 

Ibinahagi ni Bureau of Corrections (BuCor) Director General Gregorio Pio Catapang  na walang “mass grave” sa New Bilibid Prison (NBP) sa Muntinlupa City.

Base ito, ayon kay Catapang, sa resulta ng isinagawang forensic examination ng mga eksperto sa mga bagay na nakuha sa tatlong poso negro.

Una nang inanunsiyo ng National Bureau of Investigation (NBI) na buto ng manok ang unang pinaghinalaang buto ng tao na kabilang sa mga nakuha sa poso negro sa Maximum Security Compound.

Ayon kay Catapang naisumite na nila sa Department of Justice (DOJ) at Kongreso ang resulta para matuldukan na ang mga hinala at pangamba na may mass grave sa pambansang piitan.

Isinagawa ang pagsisiyasat sa mga poso negro nang madiskubre na nawawala ang bilanggo na si Michael Cataroja, na naaresto rin kamakailan sa Rizal makalipas ang ilang araw na pagtatago.

Ang mga naging kaganapan ang naging susi para magsagawa ng pagdinig ng Senado at Kamara.

Samantala, pinangunahan ni Catapang ang pagpapalaya sa halos 900 persons deprived of liberty (PDL) mula sa Bilibid at iba pang pasilidad na nasa ilalim ng pangangasiwa ng BuCor.

Read more...