Naniniwala si Senator Sherwin Gatchalian na ang mawawalang kita ng Philippine Amusement and Gaming Corp. (PAGCOR) sa pagpapa-alis sa Philippine Offshore Gaming Operators (POGO) ay mababawi sa pagsasa-pribado ng ilang casino.
Una nang ibinahagi ng PAGCOR ang plano ukol sa pagsasa-pribado ng kanilang 45 casinos simula sa 2025.
Inaasahan na kikita ang gobyerno sa plano ng P60 bilyon hanggang P80 bilyon.
“Ang planong pagsasapribado ng mga casino ng PAGCOR ay magpapataas sa kita ng gobyerno nang hindi na kinakailangang magdagdag pa ng ipapataw na buwis, habang nasa gitna ng paghihigpit ng sinturon ng pamahalaan,” ayon sa namumuno sa Senate Committee on Ways and Means.
Dagdag pa ng senador, kapag natuloy ang plano, magagampanan na ng husto ng PAGCOR ang kanilang mga mandato dahil maaalis na sa kanila ang pangangasiwa sa operasyon ng mga casino.
“Hangga’t hindi binibitawan ng PAGCOR ang kanilang commercial operation, nananatiling kumpetisyon pa rin ito ng ibang mga operator ng casino sa bansa,” sabi pa ni Gatchalian.