Kampanya ni PBBM kontra rice hoarders, sinuportahan ni Vargas

Sinugundahan ni Quezon City Councilor at dating three-term Congressman Alfred Vargas ang panawagan ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr. na panagutin sa batas ang mga kartel at iba pang nagmamanipula ng presyo ng mga bilihin, lalo na ang bigas. “Dapat managot sa batas ang mga nang-aabuso sa ating mga kababayan, lalo na sa panahon ng El Niño at sa mga kakatapos na sakuna. Tama ang Pangulong kailangang usigin ang mga kriminal na ito,” ayon kay Vargas. Kamaikailan ay binalaan ng Pangulo ang mga rice hoarders na nagsasamantala sa presyo ng palay bago ang anihan na malaking dahilan diumano sa pagtaas ng presyo ng bigas sa palengke. “Malaki ang papel ng utos ng Pangulong bantayan nang maigi ang presyo ng bigas sa merkado. Panatag tayong magagampanan ito nang husto ng joint forces ng Department of Agriculture at Department of Trade and Industry,” dagdag ni Vargas. Ayon kay Vargas, malaki rin ang papel ng mga lokal na pamahalaan para sa pananatiling stable ng mga presyo ng pangunahing bilihin. Ibinigay na halimbawa ni Vargas ang Quezon City na muling binuo ang Price Coordinating Council noong 2022 sa pamamagitan ng isang executive order ni Mayor Joy Belmonte. “Kaisa tayo sa adhikain ni Mayor Joy sa pagreconstitute ng price coordinating body ng lungsod at, bilang pagsuporta, tayo ay naghain ng panukalang ordinansa para gawing permanente ang opisinang ito,” ani Vargas. Dagdag ng dating Committee Chairman on Social Services ng Kamara, ang pakikipagtulungan ng mga national government agencies at lokal na pamahalaan ay isa sa mga susi sa pagprotekta sa kabuhayan ng mga Pilipino laban sa price manipulation. “Nakasalalay sa pakikipag-ugnayan at pakikipagtulungan nating lahat ang pagpaparusa sa mga nanlalabis sa panahong nahihirapan ang ordinaryong Pilipino. Sama-sama nating alagaan ang kapakanan ng isa’t isa,” pahayag ni Vargas.

Read more...