Pinuna ng pamahalaang-panglungsod ng Taguig ang Office of the Court Administrator (OCA) dahil sa pagpapalabas ng opinyon na kinakailangan pa ng writ of execution para maipatupad ang desisyon ng Korte Suprema sa paglilipat ng 10 barangay sa Taguig City mula Makati City. Unang inihayag ng pamahalaang-lungsod ng Makati na kailangan ng writ of execution base sa sulat ni Court Administrator Raul Villanueva kay Makati Regional Trial Court Branch 64 Executive Judge Gina Bibat-Palamos. Ngunit pinaninidigan ng Taguig City government na hindi na kailangan ang writ of execution dahil malinaw ang mga nilalaman ng “final and executory decision” ng Korte Suprema na nagbigay sa 10 barangay sa Taguig City makalipas ang tatlong dekada na legal battle. Punto por punto din na ipinaliwanag ng Taguig City government ang mga kaganapan na humantong sa desisyon sa layon na matigil na ang pagpapakalat ng mga maling impormasyon na nagdudulot lamang ng kalituhan at pag-aalala sa mga residente ng 10 barangay. Diin pa ng kampo ni Mayor Lani Cayetano malinaw sa desisyon na kinilala na sakop ng Taguig City ang Fort Bonifacio Military Reservation na binubuo ng parcels 3 at 4 ng Psu-2031, kung saan nakapaloob ang 10 barangay. Nangangahulugan din na bligado ang Taguig City government na kumilos agad ayon sa desisyon upang hindi magkaroon ng “vacuum” sa hurisdiksyon sa 10 barangay. Ang patuloy na hindi pagkilala ng mga opisyal ng Makati City ay malinaw na paglabag sa batas, ayon sa inilabas na pahayag ng Taguig City government. Binanggit din ang naging kaso noong 2011 ng Camarines Norte at Quezon Province na nadesisyonan ng Korte Suprema, kung saan ay na-contempt ang mga opisyal ng huli dahil sa hindi pagkilala sa desisyon. Idinagdag pa ng Taguig LGU na ang inilabas ng OCA ay opinyon lamang at hindi isang utos na kailangan na sundin ng mga sangkot na partido, bukod sa hindi na ito saklaw ng awtoridad ng OCA. Mismong ang SC na ang nagsabi na walang inilabas na advisory opinion ukol sa pinal na desisyon na pumabor sa Taguig City. Binanggit din na maraming pambansang ahensiya ng gobyerno ang kinilala na ang desisyon ng SC.