Nasa 4,400 na pulis at iba pang security personnel ang ipakakalat ng Philippine National Police sa mga lugar na pagdarausan ng FIBA Basketball World Cup.
Sa Laging Handa Public Briefing, sinabi ni PNP spokesman Colonel Jean Fajardo na katuwang ng PNP sa pagbabantay sa seguridad ang mga tauhan ng Armed Forces of the Philippines, Philippine Coast Guard, Philippine Red Cross, Department of Health at iba pang force multipliers.
Sabi ni Fajardo, hindi lamang ang mga venues o ang mga lugar na pagdarausan ng FIBA Basketball World Cup ang kanilang babantayan kundi maging ang iba pang lugar o areas of engagement sa Metro Manila at sa Region III.
Gaganapin ang pagbubukas sa Philippine Arena sa Bulacan.
Babantayan din aniya ng kanilang hanay ang iba pang lugar na inaasahang dadagsain ng mga fans.
“So, hindi lamang po doon sa mga venues and other areas of engagement sa Metro Manila and Region III natin ikakalat iyan, siyempre doon po sa iba pang mga areas na inaasahan din po natin na dadagsain din po doon sa mga playing venues na alam po natin na magkakaroon po ng volume of people ay aasahan po natin na maglalagay po tayo ng sufficient personnel para siguraduhin po iyong kaligtasan at seguridad hindi lamang po ng ating mga participants at delegates pati na rin po iyong ating mga audience na manunood po ng mga games,” pahayag ni Fajardo.
Sa ngayon aniya, mayroon nang soft deployment ang PNP particular na sa airport at mga hotel.
Sabi ni Fajardo, nagsimula na kasing dumating sa bansa ang mga lalahok sa FIBA.
“All systems go na po tayo diyan dahil inaasahan nga po natin sa darating nga po na August 25 iyong inaasahan po nating dagsa po ng tao sa pagbubukas nga po nitong FIBA Basketball World Cup,” pahayag ni Fajardo.
“Sa ngayon po ay patuloy pa rin po iyong ginagawang contingency planning ng PNP pero minor details na lamang po ito dahil in place na po iyong ating security preparation and deployment for the opening of the FIBA Basketball World Cup po,” dagdag ni Fajardo.