Kasong obstruction of justice ang isinampa laban sa labing dalawang NCRPO police, matapos manghimasok sa operasyon ng Baliwag police laban sa dalawang lalaki na nahulihan ng sampung kilo ng shabu.
Isinampa ang reklamo sa Bulacan Prosecutors Office.
Ito ay matapos ang isinagawang imbestigasyon ng binuong komite sa pamumuno ni Senior Supt. Benjamin Hulipas, deputy police director ng Region 3 police office kaugnay sa naganap na standoff sa pagitan ng Baliwag police at NCRPO operatives.
Sa nasabing insidente, pinigilan umano ng mga tauhan ng NCRPO ang pag-aresto sa dalawang suspek na sina Michael Lim at Rodel De Borja.
Ayon sa NCRPO ang dalawa na nahuli sa Baliwag checkpoint ay pawang civilian assets nila at may tinatrabahong drug operation para sa NCRPO.
Ang dalawa ay nahulihan ng shabu na aabot sa P50 million ang halaga sa kanilang sasakyan.
Una nang sinabi ni Hulipas na nahuli sa akto sina Lim at De Borja bitbit ang mga shabu alas 9:00 ng gabi noong Martes sa Donya Remedios Trinidad Highway.
Wala umanong koordinasyon sa Central Luzon police office ang NCRPO hinggil sa sinasabi nilang police operation.