High profile inmates sa Bilibid, nangangamba na para sa kanilang buhay

BilibidAminado ang labing anim na high profile inmates sa New Bilibid Prisons (NBP) na nangangamba na sila para sa kanilang mga buhay.

Ito ay matapos lumutang ang balita na nag ambag-ambag na umano sila ng malaking halaga para maging pabuya sa sinumang makapapatay kay incoming Presudent Rodrigo Duterte at Philippine National Police (PNP) chief Ronald Dela Rosa.

Ang pagkabahala ay inihayag ng 16 na inmate na nakakulong sa Building 14 sa pamamagitan ng nilagdaan nilang manifesto na ipinadala kay Justice Acting Secretary Emmanuel Caparas.

Ayon sa mga preso, nangangamba sila na ang nasabing impormasyon ay pinalutang para makundisyon ang publiko sakali mang sila ay patahimikin ng mga tiwaling opisyal sa NBP.

Sakali raw na sila ay patahimikin, mababaon na rin daw kasi sa limot ang mga korapsyon na nangyayari sa loob ng Bilibid.

Kasabay nito, itinanggi nila ang paratang na sila ay nag-aambag ambag para makalikom ng P10 milyon para gamiting pansuhol sa makapagpapatumba kina Duterte.

Hinimok pa nila si Duterte na magpadala ng kinatawan sa NBP para mag-imbestiga at para lumabas ang katotohanan na sila ay walang kinalaman sa napaulat na conspiracy.

 

Read more...