Hinikayat ni Senator Sherwin Gatchalian ang gobyerno na bumuo ng isang komprehensibong contingency plan para matiyak ang sapat na suplay ng bigas sa bansa.
Sinabi din ni Gatchalian sa plano ay maaring kontrahin ang pagtaas ng presyo ng pangunahing butil sa bansa, na magpapataas naman ng inflation.
“Dapat tingnan nang maigi ng gobyerno ang sitwasyon dahil hindi lang ito makakaapekto sa inflation kundi pati sa pagkain ng ating mga kababayan,” sabi ni Gatchalian.
Binanggit nito ang anunsiyo ng India na hindi na muna magbebenta ng kanilang bigas sa ibang bansa na maaring makaapekto sa suplay sa Pilipinas.
Inusisa din ni Gatchalian sa economic managers kung nakakuha na ang gobyerno ng sapat na suplay ng bigas kasunod na rin ng mga kaganapan sa ilang bansa.
Bukod pa dito aniya ang epekto ng mga kalamidad at El Nino sa suplay ng bigas sa bansa.
Sa kasalukuyan, nasa P45 hanggang P50 ang kada kilo ng bigas sa mga pamilihan.