Binabalak ng administrasyong-Marcos Jr., na mangutang ng P3.08 trilyon sa susunod na taon at kinuwestiyon ito ni Senator Imee Marcos. Sa briefing sa Senado ng Development Budget Coordination Committee (DBCC) para sa 2024 National Expenditure Program (NEP) pinuna ni Marcos ang naturang balakin ng administrasyon ng nakakabatang kapatid. Ipinunto ng senadora na sa kasagsagan ng pandemya dulot ng COVID 19, umutang ang gobyerno ng kabuuang P2.74 trilyon. “We are no longer in pandemic and the people are asking: ‘Why do we continue to borrow?’,” tanong ni Marcos. Sinabi naman ni Finance Sec. Benjamin Diokno na isosoli ng gobyerno sa Asian Development Bank, World Bank, at sa iba pa ang hindi nagamit na inutang na pera na ipambibili sana ng COVID 19 vaccines. Dagdag pa ni Diokno kailangan na mangutang ng gobyerno para pondohan ang mga infrastructure projects. Aniya 21.6 porsiyento ng hinihinging pambansang pondo sa susunod na taon ay gagamitin sa mga imprastraktura. Kasunod nito, hiniling ni Marcos kay Diokno ang listahan ng mga proyekto na popondohan ng uutangin sa labas ng bansa.