Pangulong Marcos Jr., sinabing palalakasin ang ugnayang Pilipinas, Peru
By: Chona Yu
- 1 year ago
Palalakasin pa ni Pangulong Marcos Jr. ang ugnayan ng Pilipinas sa Peru at tiniyak niya ito sa pagtanggap ng credentials ni Peruvian Ambassador Cecilia Zunilda Galarreta Bazán sa Malakanyang.
“It is imperative that we all work together. No matter how big or rich or strong a country is, I don’t think there is a single country that can manage this by themselves,” pahayag ni Pangulong Marcos.
Iginiit niya ang kahalagahan ng pagtutulungan ng dalawang bansa sa harap na rin ng mga hamong kinakaharap ng buong mundo sa pagbangon mula sa pandemya.
Sinabi pa ng Pangulo na labis na nakaapekto sa food supply chain ang krisis at maging sa essential commodities kaya’t mahalagang humanap ng paraan ang mga bansa sa usapin ng pagnenegosyo.
Sinegundahan naman ito ni Bazán sa pagsasabing sa isang interconnected o magkakaugnay na mundo ay kailangang magkapit-bisig ang mga bansa upang maging mas epektibo ang pagharap sa mga pandaigdigang hamon.
Ibinida naman ni Bazán ang agribusiness sector ng Peru kung saan maaari aniya nilang dalhin sa Pilipinas ang kanilang mga produkto tulad ng ubas at avocado.
“Also, the Philippines is a very important trade partner for us in the region. We are really looking forward to deepening that relationship,” pahayag ng bagong talagang Ambassador.
Nagsimula ang diplomatikong relasyon ng dalawang bansa noong November 30, 1974 kung saan nagtayo ang Pilipinas ng embahada sa Lima noong 1982 habang naglatag naman ang Peru ng diplomatic mission sa Maynila noong 1980.