Sa kabila ng mga kontrobersiya, ikinasa na ng pamahalaang-lungsod ng Taguig ang Brigada Eskwela sa mga paaralan na nailipat sa kanilang pangangasiwa mula sa Makati City.
Mainit ang naging pagtanggap kay Mayor Lani Cayetano ng mga school principal, school personnel, guro, mag-aaral at magulang nang pangunahan niya ang Brigada Eskwela sa Makati Science High School.
Kasama niya ang mga opisyal ng Taguig City Police Station, National Capital Region Police Office, Southern Police District, Bureau of Fire Protection, gayundin ang mga kinatawan ng iba’t ibang grupo at mga organisasyon sa mga barangay ng “Embo.”
Sa kanyang mensahe, sinabi ni Cayetano na ang pagkakaisa at pagtutulungan ang layon ng Brigada Eskwela.
“Ang layunin ng lokal na pamahalaan ay ang pagpapahayag ng aming kahandaan na tulungan ang DepEd TAPAT upang matagumpay na maidaos ang isang linggong pag-bi-brigada. Ang Brigada Eskwela po ay isang pambansang inisyatiba na pinangungunahan ng Department of Education na may layuning hikayatin ang lahat upang makiisa at maihanda ang mga eskwelahang pampubliko para sa pagbubukas ng paaralan. Sa ganitong paraan ay madadatnan ng mga estudyante na malinis, maayos at kumportable ang mga ito para sa kanila,” aniya.
Tiniyak na rin muli nito na susuportahan nila ang lahat ng mga paaralan na nasa pangangasiwa na ng DepEd Taguig – Pateros.
Nakiusap siya General Parents Teachers Association ng pang-unawa at pasensya habang nagaganap ang paglipat, at nangakong makikipagtulungan sa pamunuan ng mga paaralan at mga opisyal ng dibisyon upang tugunan ang mga intindihin ng mga guro at mag-aaral.
Inanunsiyo nito na mamahagi na sila ng school kits sa mga mag-aaral.
Agad naman siyang pinasalamatan ni Dr. Felix T. Bunagan, ang principal ng Makati Science High School.
“Alam po natin, hindi lang sa principal ay nakasalalay ang pagbubukas ng klase. Hindi lamang po sa (Schools Division Superintendent) nakasalalay ang pagbubukas ng klase. But rather ang pagbubukas ng klase ay nakasalalay sa lahat ng stakeholders ng eskwelahan. Kaya po ako’ y natutuwa at nakikita natin iyong mga taos-pusong volunteerism ninyo ngayon. Ang inyong presensiya ay nagpapatunay na lahat tayo ay sama-sama,” sabi ni Bunagan.