Tiniyak ni Pangulong Marcos Jr., na ang kapakanan ng mga mag-aaral ang prayoridad at pangunahing iniintindi sa pag-aaral sa “school year.”
May mga panawagan na ibalik sa dati ang “school year,” kung kailan ang bakasyon sa klase ay Abril hanggang Mayo, sa katuwiran na mainit kayat hindi komportable sa pag-aaral ang mga estudyante, maging sa mga guro.
Sa Brigada Eskwela sa V. Mapa High School sa Sta. Mesa, Maynila, sinabi ni Pangulong Marcos Jr., na pinag-aaralan na ng Department of Education (DepEd), ang panawagan at rekomendasyon.
“Malaking tanong ‘yan. Hindi ganoon kasimple ‘yan kasi noong pinalitan natin, pinalitan natin ‘yung schedule dahil may pandemic, tapos ngayon naman climate change ang kailangan nating pag-usapan,” ani Pangulong Marcos.
Dagdag pa niya: “Sa schedule ngayon napakainit at pati yung mga bata ay hinihimatay na. Kaya’t kailangan natin isama sa ating pag-aaral ‘yan.”