House probe sa Manila Bay reclamation project inihirit ni Rep. Erwin Tulfo
By: Jan Escosio
- 1 year ago
Hinikayat ni ACT-CIS Party-list Representative Erwin Tulfo ang Mababang Kapulungan ng Kongreso na imbestigahan ang isinasagawang Manila Bay reclamation project dahil sa maaring epekto nito sa pambansang seguridad at kalikasan.
Inihain ni Tulfo ang House Resolution No. 1171 para hilingin ang House Committee on National Defense and Security at House Committee on Ecology na busisiin ang naturang proyekto.
Nakasaad sa resolusyon ang pangamba ng Amerika sa proyekto dahil may kaugnayan ito sa China Communications Construction Co., na pinuna na ng World Bank at Asian Development Bank na sangkot sa mga mapanlokong pagnenegosyo.
Bukod dito, nagpahayag din ng pagkabahala ang US government sa nagbabadyang negatibong epekto sa kalikasan ng proyekto.
Binanggit pa ng mambabatas ang sentimyento ni House Speaker Martin Romualdez, na nais malaman kung may nagbabantay sa Chinese vessels na gamit sa proyekto.
Tulad ni Senate Deputy Majority Leader JV Ejercito, may pangamba din si Tulfo na ilan sa mga tripulante ng Chinese vessels ay mga espiya ng China.