Bagong Ayungin Shoal ‘bullying’ inalmahan ng ilang senador
By: Jan Escosio
- 1 year ago
Sinabi ng ilang senador na maraming dapat ipaliwanag ang Chinese Ambassador to the Philippines matapos ang panibagong insidente ng harassment ng China Coast Guard sa Philippine Coast Guard sa Ayungin Shoal.
Sinabi ni Sen. Ramon ‘Bong’ Revilla Jr na ang panibagong insidente sa Ayungin Shoal ay maituturing na direktang paghamak sa ipinaglalaban nating sobereniya at karapatan sa ating exclusive economic zone (EEZ).
Iginiit pa ng senador na dapat muling aralin ng China ang kanilang taktika at tigilan na ang kanilang mararahas na hakbang kung seryoso silang ayusin ang relasyon sa Pilipinas.
Sinabi naman ni Sen. Francis ‘Chiz’ Escudero na dapat ipatawag ng Department of Foreign Affairs (DFA) ang Chinese Ambassador at magpalipawanag kasabay na rin ng paghahain ng panibagong diplomatic protest.
Sa panig naman ni Senate Minority Leader Aquilino “Koko” Pimentel, iginiit nito na dapat bumuo ang gobyerno partikular ang Philippine Coast Guard ng ‘sensible plans’ sa pagharap sa Chinese Coast Guard sa West Philippine Sea.
Subalit hindi pabor si Pimentel na panahon nang igiit ang Mutual Defense Treaty (MDT) ng Pilipinas at Estados Unidos.
Nanawagan naman si Sen. Christopher Go sa Chinese Government na ipakita ang respeto sa Pilipinas at tigilan ang pambu-bully sa mga Filipino.
Iginiit ni Go na dapat ipaglaban ng bansa ang ating teritoryo at hindi dapat pumayag na apakan ng mga dayuhan.