Magtalaga ng rice production zones para sa food security – Zubiri

INQUIRER FILE PHOTO

Sinabi ni Senate President Juan Miguel Zubiri na dapat bawasan ang pag-depende ng bansa sa imported rice.

Aniya makakabuti kung tumukoy ang gobyerno ng rice production zones (RPZs) at buhusan ito ng suporta at atensyon.

Ayon pa kay Zubiri binanggit na niya ito kay Pangulong Marcos Jr., nang makaharap niya ito kasama ang ilang senador sa Malakanyang.

Dagdag pa ng senador kabilang sa mga napag-usapan ay ang suplay ng bigas sa bansa at nagpahayag ang ilang senador ng pagkabahala ukol sa anunsiyo ng India na hindi na magbebenta ng bigas sa ibang bansa.

Paliwanag ni Zubiri sa pananalasa ng magkasunod na bagyong Egay at Falcon tiyak na may epekto ito sa produksyon ng pagkain kasama na ang bigas kayat dapat ay simulan na ang pagtukoy ng rice production zones.

Sa kanyang panukala, maaring mabuo ang ilang lalawigan na isang RPZ at si Pangulong Marcos Jr., bilang kalihim ng Agriculture Department ay maaring magtalaga sa kanyang mga undersecretary o assistant secretary na pangasiwaan ang isang RPZ at tiyakin na mapapagbuti ang produksyon ng bigas sa pamamagitan ng todo-suporta sa mga magsasaka.

Binanggit nito ng RA 8435 o ang Agriculture and Fisheries Modernization Act of 1997,  na nagbigay mandato sa Bureau of Soils and Water Management para tukuyin ang Networks of Protected Areas for Agricultural and Agro-industrial Development (NPAAADs), na sa paniniwala ni Zubiri ay magandang simula sa pagtatalaga ng RPZs.

Read more...