Bagong corrections officers bahagi ng reporma sa Bucor – Catapang

Sinabi ni Bureau of Corrections (BuCor) Director General Gregorio Pio Catapang na ang pagkuha niya ng mga bagong correction officers ay bahagi ng isinasagawang reporma sa kawanihan.   Paliwanag ni Catapang sa House Committee on Public Order layon ng hakbang na mawalan na ang korapsyon sa hanay ng kanyang mga tauhan.   Sinabi pa nito na binabalak niyang bigyan ng promosyon ang mga kuwalipikadong correction officers kasabay nang pag-alis sa mga bugok sa kanilang hanay.   Aniya may 1,000 bagong correction officers na at katulad na bilang ang idadagdag pa niya bago ang pagtatapos ng kasalukuyang taon.   “They will constitute the new blood of BuCor who will regain the trust and confidence of the Filipino people. We will therefore have a total of 3,000 new correction officers by end of 2024 who will represent the beginning of a reformed BuCor,” sabi ni Catapang. Nabanggit din nito na para mawala ang korapsyon sa kawanihan binabalak niya na magbigay ng kinauukulang tulong sa kanyang mga tauhan at hinihikayat pa niya ang mga ito na bumuo ng kooperatiba. Kaugnay naman sa ulat ukol sa pagkawala ng persons deprived of liberty (PDLs) sa pambansang-piitan, hiniling ni Justice Sec. Jesus Crispin Remulla na magkaroon na lamang ng “executive session” ang komite dahil may mga detalye na sensitibo. Kinumpirma naman ito ni Catapang sa pagsasabing nagpapatuloy pa ang kanilang pag-iimbestiga.

Read more...