Humihirit si Pangulong Ferdinand “Bongbong” Marcos Jr. sa Kongreso ng P1.408 bilyong budget para sa kanyang local at foreign trips para sa taong 2024.
Base sa 2024 proposed budget ng Department of Budget Management, mas mataas ito ng 58 na porsyento kumpara sa P893.87 milyong pondo para sa taong 2023.
Sa pulong balitaan sa Malakanyang, sinabi ni Budget Secretary Amenah Pangandaman na justified naman ang hirit na dagdag pondo.
Sabi ni Pangandaman, layunin ng pagbiyahe sa abroad ni Pangulong Marcos na ipakikilang muli at mailagay sa mapa ang Pilipinas bilang investment hub.
May mga state visit at investment roadshow aniya ang biyahe ng Pangulo.
“I think the expenses of the travel as long as it will be beneficial and mas may advanatege sa bansa natin, I think, okay lang iyon/ it is justified,” pahayag ni Pangandaman.
Hindi lang aniya si Pangulong Marcos ang bumibiyahe sa ibang bansa kundi maging ang economic team para makahiyat ng mga negosyante na mamuhunan sa Pilipinas.
Labing apat na biyahe na sa abroad ang ginawa ni Pangulong Marcos mula nang maupo sa puwesto noong Hunyo 2022.