Sinang-ayunan ng mayorya ng mga senador ang resolusyon na kumukondena sa nagpapatuloy na panggigipit ng China sa mga mangingisdang Filipino at pagpasok sa teritoryo ng Pilipinas sa West Philippine Sea (WPS). Nakapaloob sa resolusyon ang panghihikayat sa gobyerno na gumawa ng mga kinakailangang hakbang para igiit ang sobereniya at karapatan ng Pilipinas sa exclusive economic zone (ECZ) ng bansa. May panawagan din sa China na itigil na ang mga ilegal na aktibidades sa WPS. Sina Senate President Juan Miguel Zubiri at Sen. Risa Hontiveros ang nag-sponsor sa naturang resolusyon. Hiniling din sa resolusyon sa Department of Foreign Affairs (DFA) na ipaabot sa buong mundo ag harassment ng China at ang igiit ang pagpapatupad ng 2016 Arbitral Tribunal ruling na pumabor sa Pilipinas. Bukod pa dito ang hirit na maghain ang DFA ng resolusyon sa United Nations General Assembly para matuldukan na ang panggigipit ng China. “When it comes to matters of national sovereignty, we will never be bullied into submission. In the face of relentless China propaganda since last week, we held our ground. The fight against China’s reckless behavior in the West Philippine Sea does not end here,” ani Hontiveros.