Hinikayat ni Pangulong Ferdinand “Bongbong” Marcos Jr. ang publiko na pahalagahan ang kapangyarihan ng wikang Filipino.
Ginawa ng Pangulo ang pahayag kasabay ng pagdiriwang ng “Buwan ng Wikang Pambansa.”
Sabi ni Pangulong Marcos, nagsisilbing tulay ang wikang Filipino para pagkakaisa at pagmamahal sa bayan.
Dagdag ng Pangulo, pamana at kultura ang wikang Filipino na nagbubuklod sa pagsulong ng bawat isa bilang isang bansa.
“Sa pagkakataong ito, ating bigyang-pansin ang kapangyarihan ng wika hindi lamang sa pagbuo ng ating kaisipan at paraan ng komunikasyon, kundi pati na rin sa pagkintal ng ating patuloy na pagsulong at pagdala ng kolektibong karunungan sa bawat henerasyon,” saad ni Pangulong Marcos.
“Sa pamamagitan ng wikang Filipino, ating ilahad ang mga kuwento at karanasang magiging matibay na saligan ng ating pag-unlad,” dagdag ng Pangulo
Hinikayat din ng Pangulo ang bawat mamamayan na ipakita ang kanilang nag-aalab na pagmamahal sa bayan sa kanilang paraan upang mangibabaw ang wikang Filipino at kultura sa pagbuo ng pagkakakilanlan ng bawat Pilipino.
“Bilang mga Pilipino, ating yakapin ang diwa ng pagkakaisa at pagiging makabayan sa ating patuloy na pagpanday ng ating inaasam na dalisay na Kinabukasan. Muli, maligayang Buwan ng Wikang Pambansa sa ating lahat!” ayon sa Pangulo.
Binigyang diin din ng punong ehekutibo ang tamis ng mahigit isang taong tagumpay at alab ng mamayang Pilipino sa pagkakaisa sa gitna ng mga pagsubok na kinahaharap ng bansa.
Sa ilalim ng Proklamasyon Blg. 1041, s. 1997, ang “Buwan ng Wikang Pambansa” ay ipinagdiriwang tuwing Agosto 1-31 sa pangunguna ng Komisyon sa Wikang Filipino (KWF).
Ang obserbasyon sa “Buwan ng Wikang Pambansa” ngayong taon ay may temang “Filipino at mga Katutubong Wika: Wika ng Kapayapaan, Seguridad, at Ingklusibong Pagpapatupad ng Katarungang Panlipunan.”