Naaprubahan na sa ikatlo at pinal na pagbasa ang Senate Bill No. 1806 o ang panukalang Bill of Rights and Obligations of Taxpayers.
Ang panukala ay inakda ni Sen. Lito Lapid at inisponsoran ni Sen. Win Gatchalian.
Sa ginawang botohan, 22 senador ang bumoto ng pabor sa panukalang batas.
Sinabi ni Lapid na kabilang sa mahahalagang probisyon ng panukalang batas ay ang paglalatag sa mga karapatan at mga obligasyon ng bawat taxpayer.
Layunin din ng panukala na mabigyan ng wastong kaalaman ang mga taxpayer, mapabilis at maayos ang pagbabayad ng buwis, gayundin maiwasan ang mga pang-aabuso.
Nananawagan naman si Sen. Lapid sa mga kapwa mambabatas sa Kamara na ipasa sa lalong madaling panahon ang counterpart bill para maging ganap na itong batas.