Sen. Revilla napikon sa mga pagbaha, pagpapaliwanagin ang DPWH, MMDA
By: Jan Escosio
- 1 year ago
Ipapatawag ni Senator Ramon “Bong” Revilla Jr., ang mga opisyal ng Department of Public Works and Highways (DPWH) at Metropolitan Manila Development Authority (MMDA) para ipaliwanag ang patuloy na pagbaha sa Metro Manila at iba pang dako ng bansa.
Sinabi ni Revilla na hihingiin niya ang paliwanag nina Public Works Sec. Manuel Bonoan at MMDA Chair Romando Artes ukol sa hindi nasosolusyunan na problema sa baha tuwing tag-ulan.
Ayon kay Revilla, ang namumuno sa Senate Committee on Public Works, nakakapikon na sa tuwing uulan ay palagi na lang lumulubog sa baha ang maraming lugar sa kabila ng mga programa at proyekto na taon-taon ay pinaglalaanan ng bilyong-bilyong pisong pondo.
Una nang sinita ni Revilla ang DPWH at MMDA dahil mistulang palpak ang kanilang mga anti-flood projects.
Batay sa taunang General Appropriations Act, mula 2019 hanggang 2023 ay aabot sa P594.62 billion ang kabuuang pondong natanggap ng DPWH para sa flood control program habang P6 billion naman sa MMDA.