Resolusyon sa Chinese bullying, aaprubahan sa Senado ngayon
By: Jan Escosio
- 1 year ago
Inaasahan na matutuloy na ngayon araw ang pag-apruba ng Senado sa resolusyon na hihimok sa gobyerno na idulog sa United Nations General Assembly ang patuloy na pambu-“bully” ng China sa West Philippine Sea (WPS).Sinabi nina Senate President Juan Miguel Zubiri at Sen. Risa Hontiveros, pagtitibayin ng Senado ang resolusyon matapos magkasundo ang mga senador sa isinagawang caucus at konsultasyon sa Ehekutibo patungkol sa mga isyu at hakbang na dapat gawin sa WPS.Kasama sa caucus sina Foreign Affairs Sec. Enrique Manalo, National Task Force for the West Philippine Sea Chairman Sec. Eduardo Año, Armed Forces of the Philippines (AFP) Chief of Staff Gen. Romeo Brawner Jr., at mga senior officials. Pinagsanib nina Zubiri at Hontiveros ang kanilang mga resolusyon na pagkondena sa pang-haharass ng mga Chinese sa mga mangingisda at patuloy na panghihimasok ng Chinese Coast Guard at militia vessels sa WPS.Dagdag dito ni Hontiveros, malinaw na nakasaad sa resolusyon ang mga pamamaraan na maaaring gamitin ng DFA para igiit ang ating posisyon sa rehiyon gayundin ang paghimok sa pamahalaan na iakyat ang issue sa UNGA.