Malaking tulong sa epekto ng El Niño ang ulan na dala ng Bagyong Egay.
Ayon kay Philippine Atmospheric, Geophysical and Astronomical Services Administration (PAGASA) Deputy Administrator Nathaniel Servando, tumaas kasi ang lebel ng tubig sa mga dam dahil sa bagyo.
Sabi ni Servando, sapat ang suplay ng tubig sa bansa para sa buong taon.
Nasa 11 bagyo pa aniya ang inaasahang darating sa bansa bago matapos ang taong 2023.
“At least eight hanggang 11 na bagyo. At dito sa Angat for example, inaasahan natin na at least two storms or typhoons ang dadaan para supisyente (sufficient) iyong…tumaas iyong lebel ng Angat,” pahayag ni Servando.
Patuloy aniya na babantayan ng PAGASA ang lagay ng panahon sa bansa.
“Kapag may El Niño kasi ang inaasahan natin na malalakas iyong mga bagyo, particularly towards the later part of the year, mga bandang September, October ang tinatamaan na dito lagi ay ang ating mga kalupaan, particular Visayas area,” pahayag ni Servando.
“Paghandaan po natin bagama’t ang PAGASA ay palaging nagmo-monitor at kung may changes man, may namumuo kahit na ito ay sa labas ng Philippine Area of Responsibility ay kaagad naming pinaabot sa mga ahensiya na involved sa preparedness health, kagaya ng Office ng Civil Defense,” dagdag ni Servando.