PNP natakasan ng Chinese POGO worker, naharang ng BI sa NAIA

Hiniling ng Bureau of Immigration (BI) sa Philippine National Police (PNP) na imbestigahan ang pagkakatakas ng isang Chinese citizen na kabilang sa mga inaresto ng pulisya sa pagsalakay sa isang Philippine Offshore Gaming Operators (POGO) hub sa Las Piñas City.

Naibalik naman sa kulungan ang 25-anyos na si Huang Rongcu nang maharang siya ng mga NAIA Immigration personnel bago ito makalipad pabalik ng China noong Sabado.

Labis na pinagtataka ni Immigration Comm. Norman Tansingco ang pagkakatakas ni Huang dahil ito ay nasa kustodiya ng mga pulis.

Pagbabahagi pa ni Tansingco na hindi ito ang unang pagkakataon na nadiskubre nila na wala sa kustodiya ng pulisya ang nahuhuling banyaga.

Aniya may dalawang Vietnamese nationals ang nagpunta sa kanilang tanggapan at inusisa ang kanilang mga kaso.

Sabi ni Tansingco ang dalawa ay dapat na nakakulong matapos maaresto sa isang cryptocurrency scam center sa Mabalacat, Pampanga.

 

Read more...