Ibinahagi ni Ombudsman Samuel Martires na malapit nang matapos ang pag-iimbestiga nila sa diumanot “outdated and overpriced” laptop units na binili ng Department of Education (DepEd) sa pamamagitan ng Department of Budget and Management -Procurement Service.
Ayon pa kay Martirez kung makakahanap ang kanilang mga imbestigador ng sapat na ebidensiya ay susunod na ang preliminary investigation.
Sinimulan ang Ombudsman ang paunang imbestigasyon base sa ulat ng Senate Blue Ribbon Committee, na pinamumunuan ni Sen. Francis Tolentino, na nagsagawa ng mga pagdinig base sa resolusyon ni Senate Minority Leader Aquilino Pimentel III.
Magugunita na sa final committee report ni Tolentino inirekomenda nito ang pagsasampa ng mga kinauukulang kaso sa mga dati at kasalukuyang opisyal at tauhan ng dalawang nabanggit na kagawaran.
Nabanggit din ni Martires na nakikipagtulungan naman sa kanila ang DepEd.
Ginastusan ng P2.4 bilyon ang laptop units na ipinamahagi sa ilang pampublikong guro para sa pagkasa ng “blended learning system.”