Sa panayam ng Radyo Inquirer, dahil sa maliit na sweldo sa pamahalaan, nabawasan ang budget niya para mapag-aral ang kaniyang mga anak.
Sinabi ni Andanar na P90,000 ang sweldong kaniyang tatanggapin bilang Communications Secretary.
Noong Linggo aniya, nagtungo siya sa bahay ng kaniyang mother-in-law para humingi sa unang pagkakaataon ang tulong pinansyal.
“Ang dalawang anak ko ay nag-aaral sa exclusive schools, ‘yung dalaga ko ay gusto naman mag-aral sa abroad, kasi very driven siya talaga . Noong Linggo umuwi ako ng Maynila at dumeretso ako sa mother-in-law ko na incoming Mayor ng Las Piñas, sabi ko “Ma, tinanggap ko ang trabaho as Communications Secretary pero hindi ko kayang mapaaral ang mga anak ko sa sweldong tatanggapin ko,”
Ayon kay Andanar, sinabi umano niya sa kaniyang biyenan na ayaw niya at hinding-hindi niya gagawin ang magnakaw sa pamahalaan.
Nangako naman umano sa kaniya ang biyenan ng suporta at sinabing hindi pababayaan ang kaniyang mga apo.
“For the first time in my life, I humbly seek financial support from her, kasi sabi ko kaniya ‘ayoko po talagang magnakaw, hindi po ako magnanakaw’. Sabi niya hindi niya kami pabababayaan,” dagdag pa ni Andanar.
Aminado rin si Andanar na maraming ahensya sa ilalim ng PCOO na kaniyang pamumunuan ang talamak sa korapsyon.
Samantala, sinabi ni Andanar na hiniling na niya kina incoming Presidential Management Staff Office Sec. Bong Go at incoming Secretary to the Cabinet Jun Evasco na isailalim sa Office of the President ang pangangasiwa sa National Printing Office (NPO) at sa APO Productions Unit Inc.
Ayon kay Andanar, inamin niya kina Go at Evasco na hindi niya kakayanin ang talamak na korapsyon sa dalawang ahensya.
“Kinausap ko ng personal si Sec. Bong Go at Sec. Jun Evasco, ang sabi ko sa kaniya ang korapsyon sa NPO at APO productions ay napakalaganap na. Sabi ko sa kanila, hidni ko kayang sugpuin ang korapsyon, at ibabalik ko iyan sa Office of the President sabi ko, baka pwedeng sila po ang mangasiwa noon, yun po ang sabi ko,” ayon pa kay Andanar.