Ayon kay incoming Communications Sec. Martin Andanar, matapos ang pakikipag-usap niya sa organizing committee, napagbigyan na maglagay ng pwesto para sa mga media sa gate 4 ng Malakanyang.
Sa panayam ng Radyo Inquirer, sinabi ni Andanar na doon papayagan ang mga media na magsagawa ng stand-upper.
Hindi kasi pwede ayon kay Andanar na papasukin lahat sa loob ng Rizal Hall ang mga media dahil sa masikip ang lugar.
Sa halip, tanging ang pasilidad lamang ng RTVM ang papayagan sa loob ng Rizal hall at doon naman maaring maghook-up ang mga private media.
Ani Andanar, labing apat na cameras ng RTVM ang ikakalat sa loob ng Rizal Hall para makuhanan ang lahat ng anggulo ng inagurasyon ni Duterte.
“Ang mangyayari po sa inauguration ay parang yung nangyari sa APEC at Pope visit na broadcast pool
May facility po sa loob ng Rizal hall may minimum 14 cameras ang RTVM at doon po maghook-up ang lahat ng TV stations, Maliit po kasi ang Rizal Hall, kaya ang RTVM ay gagamit po ng mga high tech cameras nila,” ayon kay Andanar
Ang iba naman ay papayagan sa New Executive Building kung saan mamomonitor nila ang mga kaganapan sa loob ng Rizal Hall.
Sa ngayon sinabi ni Andanar na maari nang magpa-accredit ang mga media na nais na makapag-cover ng inagurasyon.