ICC tinawag na “bully,” walang kredebilidad ni Sen. Bong Revilla
By: Jan Escosio
- 1 year ago
Idinagdag na ni Senator Ramon “Bong” Revilla, Jr. ang kanyang boses sa mga bumabatikos sa International Criminal Court (ICC) kaugnay sa ulat na pagpapalabas ng arrest warrants sa ilang opisyal ng gobyerno.
Sa pagtatanggol niya kina dating Pangulong Duterte at Sen. Ronald “Bato” dela Rosa, sinabi ni Revilla na naibalik ang kaayusan at kapayapaan sa bansa dahil sa inilunsad na “war on drugs” ng dalawa.
Diin pa ng senador na malinaw na panghihimasok sa Pilipinas ang naturang balakin ng ICC at giit niya umiiral ang sistemang pang-hustisya sa Pilipinas.
Ipinagtataka din aniya niya ang patuloy na paghahabol ng ICC gayung walang basehan ang mga alegasyon at mas matitinding pangyayari sa ibang mga bansa na mas nararapat na pagtuunan ng atensyon.
Tinawag pa na bully ni Revilla ang ICC at walang kredebilidad dahil ang pulitika lamang ang kanilang motibo.
Nagpahayag na rin siya ng suporta sa sinabi ni Senate President Juan Miguel “Migz” Zubiri na bibigyan proteksyon ng Senado si dela Rosa.