Pinangalanang 10 pulis ng mga sumukong drug dependent sa QC, bineberipika na ng QCPD

QCPD drug usersMatapos ang pasuko ng 352 na drug dependents sa Quezon City kahapon, aabot umano sa hindi bababa sa 10 pulis ang kanilang ikinanta na sangkot sa illegal drugs.

Ayon kay Quezon City Police District (QCPD) Deputy District Director for Operations, Sr. Supt. Joselito Esquivel, pinangalanan ng mga nagsisukong drug users ang pinagkukunan nila ng suplay ng shabu.

Sinabi ni Esquivel na may mga binanggit na pangalan na umano ay mga aktibong pulis, bagaman patuloy itong bineberipika ng QCPD dahil first name o di kaya ay last name lamang ang ibinigay ng mga sumukong users.

Dagdag pa ni Esquivel, ang mga drug dependents ay itinuturing nilang biktima, kinakausap para sumuko, bibigyang pagkakataong makapag-bagong buhay, kapalit ng pagbibigay nila ng impormasyon sa otoridad hinggil sa kanilang supplier ng droga.

“Marami po silang ikinakanta, sinasabi nila kung saan sila bumibili, meron na pong nabanggit na 1st name at last name na allegedly ay pulis (na sangkot sa illegal drugs), pero raw data po ang mga ito at subject to verification,” ayon kay Esquivel.

Samantala, sinabi ni Esquivel na ang 352 na sumuko kahapon ay halo-halo ang edad.

Aniya, mula bata hanggang lolo o lola ay kabilang sa mga personal na nagtungo sa QCPD kahapon at aminadong sila ay gumagamit ng droga.

Sinabi ni Esquivel ay itinuturing nilang “tip of the iceberg” pa lamang ang 352 na napasuko kahapon at inaasahan nilang mas marami pa sa susunod na mga araw.

 

Read more...