Higit sa mayorya ng mga Filipino ang nais na maibalik na sa mga buwan ng Abril at Mayo ang bakasyon sa mga eskuwelahan sa bansa. Base sa resulta ng Pulse Asia survey na kinomisyon ni Sen. Sherwin Gatchalian, walo sa bawat 10 Filipino ang gusto na maibalik ang dating panahon ng bakasyon sa pag-aaral. Pagbabahagi ni Gatchalian, 11 porsiyento naman ang hindi sigurado at walong porsiyento lamang ang kontra. Sa Metro Manila, 81 porsiyento ang sumang-ayon, 73 porsiyento sa Luzon, 90 porsiyento sa Visayas at 86 porsiyento naman sa Mindanao. Inihain ni Gatchalian ang Senate Resolution No. 672 para malaman kung dapat na ipagpatuloy pa ang kasalukuyang school calendar o ibalik sa dati bago ang pagtama ng pandemya. Nais niya na mapag-aralan ng husto kung paano itatakda ang araw ng pagsisimula muli ng mga klase. “Malinaw ang boses ng ating mga kababayan na nais nilang ibalik ang bakasyon ng mga mag-aaral sa buwan ng Abril at Mayo. Bagama’t hindi magiging madali ang pagbabalik ng dating school calendar, magsasagawa tayo ng pagdinig upang pag-aralan nang husto ang mga hakbang para itaguyod ang kapakanan ng ating mga guro at mga mag-aaral,” ayon pa sa namumuno sa Senate Committee on Basic Education.