Hindi na ikinagulat ni Senator Ronald “Bato” dela Rosa ang pagbasura ng International Criminal Court (ICC) sa apila ng Pilipinas na itigil na ang pag-iimbestiga sa ikinasang madugong “war on drugs” ng administrasyong-Duterte. Si dela Rosa, bilang hepe ng pambansang pulisya, ang itinuturong “arkitekto” ng naging kampaniya ng nakalipas na administrasyon laban sa droga, na nagresulta sa pagkamatay ng tinatayang 6,000 katao. Tiwala din ang senador na hindi siya maaaresto magpalabas man ng warrant of arrest ang ICC dahil hindi kinikilala ng gobyerno ang hurisdiksyon ng korte sa Pilipinas nang kumalas ang bansa sa Roman Statute noong 2019. Ngunit aniya magiging maingat o lilimitahan niya ang pagbiyahe sa ibang bansa, partikular na ang mga kumikilala sa ICC, upang hindi siya maaresto kung maglalabas ang ICC ng kautusan na siya ay hulihin. “Sinong manghuli? Magi-import sila ng pulis sa ibang bansa, malaking gulo yan,” aniya. Sinabi na lamang din niya na nasa Senado lamang siya at patuloy na gagampanan ang kanyang mga tungkulin bilang mambabatas. Tiwala din siya sa gobyerno dahil aniya ilang beses nang sinabi ni Pangulong Marcos Jr., na hindi kinikilala ng administrasyon ang ICC.