Para malabanan ang pagkabansot ng mga bata, inilunsad ni Pangulong Ferdinand “Bongbong” Marcos Jr. ang Walang Gutom 2027: Food Stamp Program sa Tondo, Manila.
Limampung pamilya mula sa Tondo ang unang makikinabang sa pilot implementation.
Tatlong libong pisong food stamp program ang ibibigay ng bawat pamilya at tatagal muna ito ng hanggang Marso 2024.
Sabi ni Pangulong Marcos, kapag nagtagumpay ang programa, palalawakin ito sa buong bansa at matatapos sa 2027.
Sa kabuuan, isang milyong pamilya na kumikita ng P8,000 pababa ang kada buwan ang makikinabang sa programa. Kasama rin sa programa ang mga single parent, mga buntis at mga nagpapasusong ina.
Base kasi sa talaan ng Department of Health, 21.6 percent sa mga batang nag-eedad ng zero hanggang 23 buwan ay mga bansot at 28.7 percent naman sa mga batang edad limang taong gulang pababa.
Dahil sa food stamp program, umaasa si Pangulong Marcos na mawawala na ang Pantawid Pamilyang Pilipino Program o 4Ps
Nasa tatlong milyong dolyar ang inisyal na pondo sa food stamp program. Inutang ito sa Asian Development Bank, Japan International Cooperation Agency at French Development Agency, World Food Program.
Pero sabi ng Pangulo, walang dapat na ipag-alala ang publiko dahil mahahanapan naman ng pondo para maipagpatuloy ang programa
Sinabi naman ni Social Welfare and Development Secretary Rex Gatchalian na layunin ng programa na tiyakin na walang pamilyang matutulog na kumakalam ang sikmura.
Sinisiguro din aniya ng program ana masustansya ang kinakain ng bawat pamilyang filipino.