Nakapaghain na ng kanyang Statement of Contributions and Expenditures o SOCE si Liberal Party standard bearer Mar Roxas.
Sa kanyang SOCE na isinumite kahapon sa Commission on Elections, lumilitaw na nakagastos ito ng P487 million sa kanyang kampanya sa nakalipas na eleksyon.
Makikita rin sa SOCE na ang kanyang ina na si Judy Araneta-Roxas ang nagbahagi ng pinakamalaking kontribyusyon sa kampanya ng kanyang anak sa halagang P110 milyong piso.
Unang nagbigay ng P90 milyon si Araneta sa unang bahagi ng kampanya ni Roxas na sinundan ng karagdagang P20 milyon.
Malaking halaga rin ng campaign contributions na tinanggap ni Roxas ay nagmula sa kanyang mga kaanak.
Samantala, P18 milyon naman sa kabuuang halaga ng kontribyusyon ang nagmula sa bulsa mismo ni Roxas.
Sa nakalipas na eleksyon, si Grace Poe ang may pinakamalaking ginastos sa kampanya na sinundan nina Roxas at incoming president Rodrigo Duterte .
Kasabay ng paghahain ng SOCE ni Roxas ay ang pagsusumite nito ng nasa mahigit 50 kahon ng mga dokumento sa poll body.
Naging kontrobersyal pa ang paghahain ng SOCE ni Roxas dahil nabigo ito at maging ang kanyang partidong LP na magsumite sa takdang panahon.
Dahil dito, kinailangan pang humiling ng extension ng Liberal Party na pinaboran naman ng Comelec en banc.