PAGASA: Maulan na Lunes dahil sa habagat

INQUIRER FILE PHOTO

Dahil sa southwest monsoon o habagat, magiging maulan ngayon araw sa maraming bahagi ng bansa kasama na ang Metro Manila.

Base sa inilabas na 24-hour public weather forecast ng PAGASA, magiging madalas ang pag ulan sa Zambales, Bataan at Occidental Mindoro. Posible ang pagbaha at pagguho ng lupa sa mga nabanggit na lalawigan. Samantala, makakaranas din ng makulimlim na panahon, kalat-kalat na pag-ulan sa Metro Manila, Calabarzon, Ilocos Region, natitirang bahagi ng Mimaropa at Central Luzon at Western Visayas. At ang natitirang bahagi ng bansa ay magiging maulap na may pag-ulan, pagkulog at pagkidlat. Kaugnay nito, ang bagyong Dodong (Severe Tropical Storm Talim) ay patuloy na lumalayo sa Philippine area of responsibility. Kaninang alas-3 ng madaling araw, namataan ito sa layong 825 kilometro kanluran ng extreme Northern Luzon. Taglay nito ang lakas na hangin na 110 kilometro kada oras malapit sa gitna at bugso na aabot sa 135 kilometro kada oras habang kumikilos sa direksyon ng kanlurang hilagang-kanluran sa bilis na 15 kilometro kada oras.

Read more...