Tiniyak ni Senate President Juan Miguel “Migz” Zubiri na isusulong pa rin sa Senado ang pagbibigay ng umento sa mga manggagawa sa pamamagitan ng legislated wage hike.
Aniya malawak ang panawagan para sa taas-sahod base na rin sa Pulse Asia survey.
Pagbabahagi niya, sa isinagawang survey noong Hunyo 19 hanggang 23, pangalawa ang dagdag-sahod sa pinaka-iintindi ng publiko sa 44% at ang una ay ang pagkontrol sa inflation na 63%.
“Yan ang kailangan nating tutukan at pangako ko po yan. The Senate will make a stand on this issue. Alam ko maraming magagalit sa ating mga negosyante, but share-share lang. Kailangan din po nilang magshare ng biyaya sa ating mga manggagawa,” ani Zubiri sa panayam sa radyo.
Sa nabanggit din na survey, 95% ang sumang-ayon sa P150 taas-sahod.
Aniya gagamitin niya ang resulta ng survey upang kumbinsihin ang mga kapwa senador na suportahan ang P150 legislated wage hike kapag nagsimula na muli ang deliberasyon ukol sa panukala.