Tatlo katao kabilang na ang dalawang sundalo at isang estudyante ang nasugatan makaraang masabugan ng isang improvised explosive device (IED) sa Midsayap , North Cotabato.
Nagtamo ng mga tama ng shrapnel sa katawan ang mga biktimang sina Sergeant Edwin Soria at Private First Class Jestoni Bauzon ng 62nd Reconnaisance Company ng 6th Infantry Division ng Philippine Army.
Nasugatan din sa insidente ang biktimang si Miriam Akis na nagkataong nasa lugar nang maganap ang pagsabog.
Ayon kay Supt. Tom Tuzon, hepe ng Midsayap police, sakay ng military truck ang dalawang sundalo nang mapadaan ito malapit sa Dabpil Sampulna High School sa Bgy. Ulandang dakong alas 5:00 ng hapon, Miyerkules.
Dito na biglang sumabog ang isang IED at napuruhan ang dalawa.
Nadamay din ang estudyante sanhi ng lakas ng pagsabog na hinihinalang gawa mula sa isang 105 millimeter howitzer na kinabitan ng cellphone bilang timing device.
Hinala ng mga otoridad, mga miyembro ng Bangsamoro Islamic Freedom Fighters (BIFF) ang pasimuno ng pagpapasabog.