Ang Israel ang tinitingan ni Senator Robinhood Padilla na maaring paggayahan ng paggamit sa bansa ng marijuana para paggamot ng mga sakit.
Sa pagdinig ng Committee on Health, na pinamunuan ni Padilla kanina, sinabi ni Padilla na marami siyang natutuhan nang bisitahin nila ng kanyang technical team ang Israel noong Mayo 1 – 3.
Tinalakay sa pagdinig ang Senate Bill No. 230 o ang Medical Cannabis Compassionate Access Act.
Pagbabahagi ni Padilla na kabilang sa kanyang natutuhan sa Israel ay ang pag-iwas sa maling paggamit o abuso ng “medical marijuana.”
“Kilala po ang Israel bilang isa sa mga bansang mayroong pinaka-maayos at pinaka malinaw na batas at regulasyon sa medical cannabis .Sila rin po ang may pinaka mayabong na pag-aaral at pananaliksik ukol dito . At kung usapin lang din ng law enforcement o pagpapatupad ng batas, wala nang mas hihigpit pa sa Israel. Ang ating nasaliksik sa Israel ay isasama natin sa ating balangkas na batas na tugma din sa pangangailangan ng medical cannabis dito sa atin,’ sabi pa ng senador.
Lubos aniya silang naliwanagan sa paliwanag ng Israel Ministry of Health at Israeli Medical Cannabis Agency ukol sa mga regulasyon at kinakailangang permits.