1,172 magsasaka sa Bicol nabiyayaan ng DAR ng land titles

DAR PHOTO

Natanggap na ng 1,172  magsasaka sa Bicol Region ang 1,229 individual electronic land titles (e-titles) mula sa Department of Agrarian Reform (DAR).

Ayon kay DAR – Bicol Region director, Reuben Theodore Sindac naipamahagi ang titulo ng lupa sa pamamagitan ng Support to Parcelization of Land for Individual Titling (SPLIT) o Project SPLIT. Sabi pa ni Sindac ang e-title ay sumasaklaw sa 1,977 ektaryang lupang pang-agrikultura na matatagpuan sa buong rehiyon, na kinabibilangan ng 289 e-title para sa Albay, 249 para sa Camarines Sur I, 126 para sa Camarines Sur II, 210 para sa Sorsogon, 141 para sa Masbate, 136 para sa Camarines Norte, at 78 para sa Catanduanes. “Ito ang direktiba ng ating Kalihim Conrado Estrella III, na pabilisin ang paghahati-hati ng collective certificates of land ownership awards (CCLOAs) sa mga indibidwal na titulo para ipamahagi sa mga kwalipikadong magsasakang-benepisyaryo,” ani Sindac.
DAR PHOTO

Base sa lawak ng lupa, ang Albay ang may pinakamalaking bilang ng mga indibidwal na e-title na may 476.2 ektarya.

Pumangalawa ang Sorsogon na may 353.1 ektarya, sinundan ng Camarines Sur I na may 327.1 ektarya. Ang Camarines Sur II at Camarines Norte ay may 264 ektarya at 263.2 ektarya, ayon sa pagkakasunod, habang ang Masbate ay may 209.6 ektarya at Catanduanes na may 83.7 ektarya. “Sa pamamagitan ng pamamahagi ng mga indibidwal na e-title sa mga ARB, hinahangad ng DAR na bigyang kapangyarihan ang mga magsasaka at buksan ang mga oportunidad sa ekonomiya para sa kanila. Ang inisyatiba na ito ay nagmamarka ng pangako ng pamahalaan sa ialaim ng repormang agraryo, at inaasahang magdudulot ng makabuluhang benepisyo sa mga ARB at kanilang mga pamilya,” dagdag ni Sindac. Sa paghahati-hati ng CCLOAs at pag-iisyu ng indibidwal na mga titulo, paliwanag ni Sindac, ang mga mga benepisyaryo ay itatalaga sa kanilang mga lote, na nangangahulugan ng pagpapabuti ng kanilang seguridad sa pag-aari ng lupa at igiit ang kanilang karapatang magkaroon ng lupa. Ang pamamahagi ng mga titulo ng lupa sa Capitol Complex, Pili, Camarines Sur, ay idinaos kasabay ng paglagda ng Republic Act (RA) 11953 o ang New Agrarian Emancipation Act ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr. noong Hulyo 7. Ang New Agrarian Emancipation Act ay magbubura ng lahat ng mga pagkakautang, kabilang ang mga interes, multa, at mga surcharge na natamo ng mga ARB mula sa lupang iginawad sa kanila sa ilalim ng Presidential Decree (PD) 27, RA 6657, at RA 9700. Sinasaklaw ng batas ng RA 11953 ang P57.56 bilyon na mga utang sa agraryo, na pakikinabangan ng 610,054 ARB na nagsasaka ng kabuuang 1,173,101.57 ektarya ng lupang ipinagkaloob sa kanila.

Read more...