Natanggap na ni Senator Imee Marcos ang paliwanag ng gobyerno ng Amerika hinggil sa paglapag ng isang US military aircraft sa NAIA.\
Ipinadala ni US Ambassador to the Philippines MaryKay Carlson ang sulat sa Senate Committee on Foreign Relations, na pinamumunuan ni Marcos at ito ay may petsang Hulyo 6.
Sa paliwanag ni Carlson, kinumpirma ni Carlson na lumapag sa NAIA ang isang Boeing C-17 transport aircraft at ito ay bahagi ng bilateral military exercise ng Pilipinas at US.
Aniya ang paglapag ng eroplanong pandigma ay alinsunod lamang din sa patakaran ng Philippine Customs at Immigration Bureaus.
Ayon pa kay Carlson nagkaroon ng “clerical error” para sa flight clearance at walang nangyaring koordinasyon sa NAIA ang kanilang “flight planners.”
May clearance naman aniya mula sa Department of Forfeign Affairs (DFA) ang military aircraft na sa Palawan ang destinasyon.
Ibinahagi din ni Carlson kay Marcos na ang kargamento ng eroplano ay mga kagamitan para sa US Marine Corps Mobile Operation Center at ang isang sakay na hindi kasama sa crew ay isang US Marine na ang unit ay bahagi naman ng joint military exercise.